-- Advertisements --

Dumistansya ang Malacañang sa alitan nina dating National Youth Commission (NYC) chief Ronald Cardema at Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon.

Kahapon, Agosto 17, hinimok ni Cardema si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Korte Suprema na imbestigahan ang umano’y extortion sa kanya ni Guanzon.

Pero nanindigan ang Malacañang na huwag nang maki-akalam pa sa naturang issue.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kailanman ay hindi sila manghihimasok sa anumang usapin na wala namang kaugnayan sa Malacañang.

Ayon kay Cardema, na nadiskuwalipika bilang nominee ng Duterte Youth party-list, kumuha raw si Guanzon ng isang emissary para humingi sa kanya ng mga pabor kapalit ang approval ng accreditation ng party-list group sa halalan noong Mayo 2019.

Kung totoo man ang sinasabi raw ni Cardema, iginiit ni Panelo na dapat na sampahan na lamang nito ng corruption charge si Guanzon sa halip na idamay pa ang Malacañang sa usapin na ito.

Dagdag pa ni Panelo, kahit supporter man daw ng Presidente, basta kapag may bagay na ginawa ito na hindi maganda sa administrasyon, kanilang pinapabayaan na lamang ang mga ito.