Ikinukonsidera ngayon ng OCTA Research group ang 11 local government units (LGUs) sa bansa bilang high risk sa COVID-19.
Ang mga lugar na ito ay kinabibilangan ng Davao City, Cebu City, Iloilo City, Bacolod City, Makati City, Cagayan de Oro City, General Santos City, Baguio City, Taguig City, Laoag City, at ang munisipalidad ng Mariveles sa Bataan.
Sinabi rin ng OCTA na mayroong pagtaas sa COVID-19 cases kada araw sa Manila City, Makati City, Baguio City, at Laoag City mula Hulyo 14 hanggang 20.
Sa kanilang latest monitoring lumalabas na ang bilang ng COVID-19 cases sa Manila City ay tumaas sa 109 mula sa 82 lang sa nakalipas na linggo.
Sa Makati City naman, ang COVID-19 cases ay umakat sa 74 mula sa dating 55; sa Baguio City, mula 49 ay naging 64 cases; at sa Laoag City, mula 31 ay naging 55 cases na.
Samantala, nananatili pa rin na “very high” ang infection rates sa Laoag City, Lapu-Lapu City, at Cebu City.
Nanatili naman ding “very high” ang intensive care unit o ICU utilization sa Iloilo City, Taguig City, at Davao City.
Base sa kanilang latest assessment, sinabi ng OCTA na “moderate” risk pa rin sa COVID-19 ang Pilipinas.