-- Advertisements --

Naghain ng graft charges ang Makati City local government laban sa tatlong empleyado ng Taguig City sa Office of the Ombudsman dahil umano sa matagal na pag-release ng mga tax clearance documents. 

Kinilala ang mga empleyado ng Taguig city local government na sina Jessie Garcia at Erika Macaligtas kabilang na si Taguig City Treasurer Voltaire Enriquez.

Inakusahan ang mga nabanggit ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty, and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service. 

Labing-isang buwan na kasi umanong delayed ang pag-release ng tax clearance documents ng Taguig City Treasurer’s Office sa tatlong parcels of land na binili ng Makati City sa Bases Conversion and Development Authority o BCDA na nagkakahalaga ng higit sa P146-M. 

Sa pahayag ni Makati Mayor Abby Binay, ilang beses na raw binabalewala ng Taguig ang batas kagaya na lamang ng hindi resonableng pag-delay ng tax clearance documents. Inakusahan din ni Binay ang Taguig government ng pangha-harass sa mga empleyado ng Makati. 

Binigyang-diin ng Makati na ang matagal nitong pag-release ng tax clearance ay unlawful, neglectful, at unwarranted. Nagpapakita rin umano ito ng diskriminasyon at bias laban sa Makati City. 

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang Taguig ukol sa kasong inihain ng Makati.