-- Advertisements --


Nanawagan ang Makati Business Club (MBC) sa lahat ng mga national candidates sa nalalapit na halalan na isulong ang pag-apruba sa Freedom of Information (FOI) sa oras na sila ay mahalala sa puwesto.

Sinabi ni MBC executive director Coco Alcuaz, makakatulong ang pagsasabatas sa FOI para maging maalam ang publiko at para mas gumana ang demokrasya sa bansa.

Noong nakaraang taon aniya nang pinagsama-sama ng Kamara ang ilang panukalang batas na naglalayong palakasin ang freedom of information sa bansa.

Sa oras na maging ganap na batas, aatasan ang mga opisina sa ilalim ng Executive Branch na isapubliko ang lahat ng kanilang official public records.

Para sa business sector, sinabi ni Alcuaz na makakatulong ang FOI para mas maging maalam sila sa king saang sektor o sa anong lokasyon sila magandang mamuhunan.

Magugunita na July 2016 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order para sa FOI program pero hindi sakop dito ang lehislatura, hudikatura, at local government units.