Binatikos ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang pagpunta ni President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa Singapore para manood ng Formula 1 Grand Prix nitong weekend.
Ayon kay Brosas, ang nasabing hakbang ng pangulo ay hindi nararapat dahil ang bansa ay hindi pa rin nakakabangon mula sa pandemya at sa pananalasa ng bagyong Karding.
Giit ni Brosas, kawalan din ito ng simpatya sa maraming naghihirap na mga Pilipino.
Punto ni Brosas, mabuti pa si pangulong marcos, may budget para sa VIP access sa F1 Grand Prix kasama pa ang pamilya, habang ang mga Pilipino halos wala ng makain sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Binigyang diin ni Brosas, ang maluhong pamumuhay ni Pangulong Marcos Jr. ang isa sa maraming dahilan kung bakit kritikal sila sa pagkakaroon ng Office of the President ng confidential at intelligence funds.
Sa kabilang dako, nababahala din si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro kung nagamit ba ang resources ng pamahalaan sa pagtungo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr sa Singapore.
Nais din mabatid ni Castro sa Malacanang at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kung ginamit ba ni Pangulong Marcos ang G280 Gulfstream Command and Control aircraft sa naturang biyahe.
Dagdag pa ng mambabatas, isang matinding latay sa mga nagugutom na Pilipino kung totoo ginamit ni Pres. Marcos Jr. ang government resources para sa isang personal at maluhong biyahe sa Singapore.
Giit ni Castro, ang buong Singapore GrandPrix trip ng Pangulo ay nagpapakita umano ng kawalan ng pakialam sa hanay ng mga naghihirap na Pilipino.