-- Advertisements --

Naghain ng resolusyon ang mga Makabayan bloc lawmakers sa Kamara para mariing kondenahin ang pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.

Sa inihaing House Resolution 468, hiling ng Makabayan bloc kay Pangulong Bongbong Marcos na maglunsad ng malalimang imbestigasyon at papanagutin ang mga responsable sa krimen.

Umapela din ang mga mambabatas sa gobyerno na maglatag at magpatupad ng mga konkretong hakbang upang mapigilan na ang “media killings” at pag-atake sa “free speech at press freedom.”

Umaasa ang Makabayan bloc na kikilos din ang Mababang Kapulungan sa pamamagitan ng House Committee on Human Rights para magsagawa ng pagdinig hinggil sa insidente.

Giit ng mga kongresista, ang mga kriminal ngayon ay mas matapang at walang kinatatakutan sa kanilang mga pag-atake.

Ayon sa Makabayan bloc lawmakers, batay sa nakuha nilang impormasyon na sa huling programa ng broadcaster ay nabanggit umano niya ang isyu ng red-tagging.

Bagama’t nakikita ng Makabayan Bloc na ang pagpatay kay Lapid ay sadyang pagpapatahimik sa kanya dahil sa adbokasiya niya para sa katotohanan, kailangan pa rin nilang maimbestigahan ng mabuti ang nasabing krimen.