-- Advertisements --

Isinusulong ng Makabayan Bloc lawmakers na repasuhin ang kasunduan ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) para malaman kung may napapala ang ating bansa.

Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, 2014 nang sinimulan ang EDCA at magsa-sampung taon na ito sa susunod na taon kaya napapanahon rebyuhin ang nasabing kasunduan.

Sabi ni Castro, maghahain ang Makabayan Bloc ng resolusyon para bumuo ng joint Congressional Oversight Committee ang Kamara at Senado para sa gagawing review sa EDCA.

Iginiit ni Castro na hindi dapat “one sided” ang kasunduan kung saan ang nakikinabang lang ay ang Amerika.

Patunay dito ang pagbisita sa Pilipinas ni US Defense Secretary Lloyd Austin na layong palakasin ang military partnership at magtatalaga ng apat na bagong sites sa ilalim ng EDCA.

Ayon kay Castro nababahala siya dahil magiging launching pad tayo ng giyera kung sakali ng Amerika at China.

Dagdag pa ni Castro, nananatiling pangako at hindi nakatutulong ang Amerika sa defense modernization dahil nagkakasya lamang anya ang gobyerno sa mga donasyon.

Sa kabilang dako, binatikos din ng Gabriela Women’s Party ang dagdag pa na apat na bagong sites sa ilalim ng EDCA na gagawin umanong military bases ng US.

Ayon kay Gabriela Party List Rep. Arlene Brosas, nakaka alarma ang plano ng Amerika na military expansionism sa Southeast Asia at nalalagay naman sa alanganin ang Pilipinas na posibleng maipit sa tensiyon sa pagitan ng US at China.

Tinuligsa din ng Makabayan bloc ang Marcos Jr administration sa maiinit na pagtanggap kay US defense secretary Lloyd Austin na hahantong sa pagsuko ng soberenya ng bansa kapalit ng loans, foreign aid at military financing.

Dagdag pa ni Brosas, hudyat din ito na magkaroon ng malaking presensiya ng US forces sa bansa at mas malaking military exercises ang asahan.

Hamon ni Brosas na pangalanan ang apat pang lugar para sa dagdag na EDCA sites.