-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng Makabayan bloc sa Kamara kung tuluyan nang tinalikuran ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ang planong suspindihin ang excise tax sa langis, matapos mag-anunsyo ang pamahalaan ng P10 kada litrong fuel subsidy para sa public utility vehicles (PUVs).

Ayon kina ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, and Kabataan party-list Rep. Renee Louise Co, tila pinapalitan ng limitadong subsidy ang mas malawak sanang tax suspension. Anila, kung ipatutupad ang batas, posibleng bumaba ng P10 kada litro ang diesel, mas direktang ginhawa para sa publiko.

Iginiit ng grupo na kulang ang subsidy dahil may 150-litro kada linggong limit, katumbas lamang ng humigit-kumulang P1,500 na matitipid kada linggo o P300 kada araw, halagang anila’y hindi sapat sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at gastusin.

Sa gitna nito, patuloy ang deliberasyon ng pamahalaan sa iba’t ibang hakbang upang tugunan ang oil crisis, kabilang ang posibleng suspensyon ng excise tax na maaari lamang ipatupad kapag lumampas sa $80 kada bariles ang presyo ng krudo. Gayunman, may pangamba ang economic managers sa malaking mawawalang kita ng gobyerno kung tuluyang aalisin ang buwis sa langis. (Report by Bombo Jai)