-- Advertisements --

VIGAN CITY – Mariing kinokontra ng Makabayan bloc sa Kamara ang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na batas hinggil sa dagdag na buwis sa mga alak at sigarilyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ang nasabing batas ay lalo lamang umanong magpapahirap sa mga mahihirap na Pilipino.

Aniya, kung gusto umano ng pamahalaan na maiwasan ng mga Pilipino ang pagbibisyo kagaya na lamang ng pag-inom ng alak at paninigarilyo, marapat lamang na mayroong magawang batas upang ipagbawal ito imbes na magpataw ng napakataas na buwis sa mga nasabing produkto.

Iginiit nito na bagama’t maidadagdag sa pondo para sa Universal Health Care Law ang mga buwis na makukuha sa mga nasabing produkto, maaari naman umanong kolektahin ng pamahalaan ang mga hindi nababayarang buwis ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa pagpapatayo ng mga health facility sa bansa.