-- Advertisements --

Majority sa ating mga kababayan ang sang-ayon sa mga pamamaraan ng Marcos administration pagdating sa pagtugon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ito ay batay sa resulta ng pinakahuling survey na inilabas ng OCTA Research Group kung saan lumalabas na 61% ng mga adult Filipinos ang nagpahayag ng pagsang-ayon sa nagiging pagtugon ng pamahalaan sa usapin sa WPS, mas mataas ito kumpara sa 58% na datos na naitala noong Oktubre 2023.

Batay pa rin sa naturang survey, ang National Capital Region ang nakapagtala ng pinakamataas na rating na 67% habang sa Mindanao naman naitala ang pinakamababang rating na 52%.

Ayon sa OCTA, ang disagreement rating sa kung paano tugunan ng Marcos administration ang territorial dispute sa WPS ay bumaba rin sa iba pang mga major areas sa ating bansa.

Ang naturang survey ay isinagawa mula noong Disyembre 10 hanggang Disyembre 14, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao.