Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa na may basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinatupad na major revamp sa organisasyon epektibo kahapon, October 20.
Sa panayam kay Gamboa, kaniyang sinabi na bukod sa may basbas ng pangulo ay inirekomenda rin ito ng PNP Senior Officers Placement and Promotion Board .
Nasa 21 PNP officers ang apektado sa panibagong balasahan na karamihan ay mga regional police directors.
Paliwanag ni Gamboa na ang panibagong rigodon sa PNP organization ay hindi ibig sabihin na “non- performing” ang mga opisyal, bagkus ay mataas ang passing rate na nakuha ng mga ito.
Nabatid na ang pinakamababang grade na naibigay sa mga regional police directors ay nasa 84 ang average, ibig sabihin pasado ang mga ito.
Karamihan aniya sa mga itinalagang regional police directors ay mahigit isang taon na ring nanilbihan, habang ang iba ay halos dalawang taon na.
Aniya, nais din niya bigyan ng pagkakataon ang iba pang officers na makapagsilbi.
Napag-alaman na dalawang opisyal na malapit sa Pangulo ang ipinuwesto bilang batang regional police directors, ito’y sina B/Gen. Filmore Escobal at B/Gen. Vicente Danao Jr., na kapwa miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1991.
Ayon kay Gamboa, lahat ng mga binalasang opisyal ay itinalaga sa kanilang mga bagong puwesto sa “acting capacity” lang.
Tatlong buwan aniya silang “probationary” sa kanilang mga bagong pwesto, kung saan binibigyan sila ng pagkakataon na patunayan ang kanilang husay.
Dagdag ni Gamboa, kailangan ng PNP ng mga taong may bagong ideya at sariwang pananaw sa mga matataas na puwesto para maisulong ang pagbabago ng organisasyon.
Siniguro naman ni Gamboa na mananagot ang mga opisyal hindi makakapag-perform ng maayos sa kanilang trabaho.