-- Advertisements --

Patuloy na umaani ng reaksyon ang umigting na debate sa plenaryo ng Kamara matapos ang diskusyon ukol sa Anti-Political Dynasty Bill.

Nagsimula ang talakayan sa mahinahong pagtatanong ni Caloocan Rep. Edgar Erice sa sponsor ng panukala na si Rep. Zia Alonto Adiong, ngunit kalaunan ay nauwi sa palitan ng argumento at pagharang sa isa’t isa.

Dahil dito, kinailangan pang mamagitan ni Rep. Raymond Democrito Mendoza, ang presiding officer, upang payuhan ang dalawang kongresista na babaan ang tono ng kanilang pagtatalo.

Sa gitna ng paghimay sa isyu, binanggit ni Adiong na kung hindi lamang siya nasa panahon ng Ramadan ay baka nasabayan pa niya si Erice sa mataas na boses.

Ang Anti-Political Dynasty Bill ay nakabatay sa probisyon ng 1987 Konstitusyon na nag-aatas na ipagbawal ang political dynasties, ngunit halos apat na dekada na itong hindi naipapatupad dahil sa kawalan ng enabling law.

Ayon sa mga pagtataya, mahigit 5,000 opisyal ang maaapektuhan kung maisasabatas ang panukala, kabilang na ang ilang miyembro ng Kongreso na mula sa ilang pamilya.

Itinuturing na makasaysayan ang pag-akyat ng panukala sa plenaryo dahil bihirang makarating sa ganitong yugto ang mga anti-dynasty bills.

Gayunman, nananatiling kontrobersyal ang usapin dahil maraming mambabatas ang mula rin sa mga political clans.

Sa kabila ng mainit na palitan, iginiit ni Adiong na ang layunin ng panukala ay tiyakin ang patas na representasyon sa pamahalaan at bawasan ang dominasyon ng iilang pamilya sa politika ng bansa.