-- Advertisements --

Isinusulong ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na magkaroon ng mabigat na parusa para duon sa mga establishments na tumatanggap ng mga gamit na smartphones na isinasanla bilang goods na kailangan hilingin ang proof of ownership para maiwasan ang street crimes na kinasasangkutan ng mga dinukot na kagamitan.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 7969 na inihain ni Yamsuan, ang mga pawnshop o iba pang establisyimento na bumibili ng mga segunda-manong kagamitan sa telekomunikasyon tulad ng mga mobile phone ay kinakailangan ding hilingin sa nagbebenta na kumuha ng kinakailangang clearance mula sa National Telecommunications Commission (NTC) para maibenta o maisanla ang isang bagay.

Dapat ding makakuha ng clearance o permit ang establisyimento mula sa station commander ng Philippine National Police (PNP) sa bayan o lungsod kung saan ito matatagpuan bago bilhin ang item.

Ayon kay Rep. Yamsuan ang nasabing requirement ay mukhang mahirap ngunit ang mga ito ay kinakailangan upang maiwasan ang pagtaas ng mga krimen sa kalye na kinasasangkutan ng pagnanakaw ng mga smartphone, na hindi lamang humantong sa pagkawala ng ari-arian ngunit, sa pagkawala din ng buhay.

Lumilitaw na tumaas ang mga krimen sa kalye na may kinalaman sa pagnanakaw ng cellphone nang magsimulang tumanggap ang mga pawnshop ng mga smartphone bilang mga nakasangla.

Ang panukalang batas nina Yamsuan at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, ay naglalayong amyendahan ang Presidential Decree No,. 1612 or the Anti-Fencing Law, maging ang probisyon na i-require ang mga establishments na maging strikto sa pagtanggap ng smartphones at iba pang telecommunications gadgets na ibinibenta o isinasanla.

Anumang establisimiyento na mabigong makakuha ng kinakailangang clearance at patunay ng pagbili o pagmamay-ari bago tumanggap o bumili ng segunda-manong mobile phone ay mananagot sa paglabag sa Anti-Fencing Law at ang permiso at ang license to operate nito ay babawiin.