Nakapagpadala na ang Office of the Civil Defense ng 3,200 na sako ng bigas sa probinsya ng Albay, kasama na ang iba pang mga relief goods.
Dahil dito, umabot na sa P13.6Million ang kabuuang halaga ng tulong na naibigay ng ahensiya sa mga residente ng Albay na apektado sa patuloy na pag-alburuto ng bulkang Mayon.
Ayon kay OCD Administrator Ariel Nepomuceno, una na ring nakapagpadala ang ahensiya ng mga tarpaulin rolls, N95 face masks, family food packs, hygiene kits, at pelican cases.
Kasama rin sa mga ipinadala ng ahensiya ang mga Portable Water Filtration Unit, at Water Filtration truck, para magsupply ng malinis na tubig sa mga residente.
Sa kasalukuyan, nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano dahil sa patuloy nitong mga aktibidad. Nauna na ring nagsagawa ng malawakang paglikas ang pamahalaan sa mga residenteng malapit sa nasabing bulkan.