Papalo na raw sa mahigit P310 million ang nailabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pondo bilang bayad sa bus operators ng EDSA Carousel matapos ma-delay ng dalawang linggo.
Tiniyak naman ni LTFRB chairperson Atty. Cheloy Garafil na sapat ang kanilang pondo para sa sahod ng mga bus operators sa ilalim ng free ridership program ng pamahalaan.
Iginiit naman ni Garafil na ipa-fast track at tutugunan nila ang payment issues kaugnay ng EDSA Bus Carousel hanggang sa katapusan ng buwan ng Hulyo.
Una rito, inanunsiyo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawigin pa ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel hanggang December ngayong taon.
Sa ilalim ng service contracting program, ang mga public utility vehicle (PUV) operators at drivers na makikilahok sa free ridership program ng pamahalaan ay makakatanggap ng one-time payout at weekly payments base sa kilometerong nabiyahe ng mga ito kada linggo mayroon o wala silang pasahero.