Nakatanggap na ng maagang pamasko ang mahigit 220,000 na mga pulis sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.
Ito ay matapos nang ipamahagi ng Philippine National Police ang nasa kabuuang PHP3,733,668,419 ang inilabas na special allotment release order ng Department of Budget and Management para sa Pambansang Pulisya na natanggap naman ng nasa 220,116 personnel nito.
Ito ay katumbas ng 52% na buwanang basic salary ng bawat tauhan ng PNP mula noong Disyembre 31, 2021 ngunit subject for taxation alinsunod sa umiiral na TRAIN Law ngayon sa Pilipinas.
Kabilang sa mga saklaw ng naturang tax deductions ay ang mga uniformed personnel na may ranggong police major hanggang police general at non-uniformed personnel na mayroong salary grade 20 pataas.
Samantala, kaugnay nito ay nagpahayag naman ng pasasalamat si PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. sa pagkilala ng gobyerno sa dedikasyon ng kapulisan partikular na sa mandato nitong pagtupad sa kanilang tungkulin at responsibilidad.