Nakapagbigay na ang pamahalaan ng humigit-kumulang P150.4 million na halaga ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon na pumasok na sa ikalimang linggo nito.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na kasama sa tulong ang collapsible jerry cans, distilled waters, drums, family food packs, family tents and kits, financial and fuel aid, hog grower feeds, hygiene kits, KN-95 face masks, knapsack sprayers, laminated sacks, “malongs,” modular tents, nets, nylon ropes, rice, ruminant feeds, siphoning devices, sleeping kits, surgical mask at tarpaulin.
Ayon sa ahensya nasa 9,867 pamilya ang apektadong populasyon na katumbas ng 38,376 indibidwal.
Sa bilang na ito, 5,360 pamilya o 18,710 katao ang tinutulungan sa 26 evacuation centers habang 408 iba pa o 1,431 ang tinutulungan sa labas ng evacuation centers.
Nauna rito, sinabi ng Office of Civil Defense na ang mga apektadong pamilya ay kumbinasyon ng mga lumikas at mga hindi nangangailangan ng paglikas.
Gayundin, sinabi ng NDRRMC na mayroong 47 search-and-rescue (SRR) teams ang naka-standby at ito ay mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Fire Protection.
Ang mga search and rescue team na ito ay sinusuportahan ng 148 mobility asset, na maaaring hatiin sa 17 air assets, 103 land at 28 sea assets, na nagmumula sa AFP at BFP.