-- Advertisements --

NAGA CITY – Kumpiskado ang mahigit P1-M na halaga ng pinaniniwalaang shabu matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Lopez, Quezon.

Kinilala ang mga suspek na sina Federico Olivar Catarinin Jr., 47-anyos, residente ng Barangay Amayan 2, Tanza, Cavite at Pio Pardiñas Clemente Jr., 38-anyos, residente naman ng Barangay Mambugan, Antipolo, Rizal.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na posuer buyer mula sa mga suspek ng isang sachet ng nasabing iligal na droga gamit ang tatlong piraso ng P1,000 bilang buy-bust money.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na maliban sa buy-bust item, narekober pa sa mga suspek ang dalawa pang sachet ng pinaniniwalaang shabu na mayroong bigat na 50 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P1,020,000.00.

Samantala, napag-alaman naman na kabilang rin sa Drug Watchlist ng mga awtoridad ang nasabing mga suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek habang inihahanda naman na ang kasong isasampa laban sa mga ito.