Nasa mahigit isang milyong kabataan na wala pang isang taong gulang sa bansa ang unvaccinated o hindi pa nababakunahan dahil sa pagtama ng COVID-19 pandemic.
Ito ang sagot ni Health OIC Sec. Maria Rosario Vergeire nang tanungin ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma hinggil sa estado ng immunization program ng bansa para sa mga bata.
Ayon pa kay Vergeire nang mapag-usapan nila ito ng UNICEF, lumalabas na kasama ang Pilipinas sa lowest 10 na may pinakamababang immunization para sa mga bata sa buong mundo.
Bunsod nito, tinukoy na ng ahensya ang iba’t ibang istratehiya tulad ng supplemental immunization activities tulad ng pakikipag-ugnayan din sa iba’t ibang medical at pediatric societies para makahabol sa bakunahan lalo na’t may banta ng measles outbreak.
Aminado naman ito na malaking hamon ang pagpapaigting sa bakunahan dahil nahahati aniya ang atensyon ng mga health care workers sa pagtugon sa COVID-19 at pagpapatupad ng mga regular na programa ng ahensya.
Pagtitiyak ni Vergeire na nakahingi na sila ng dagdag na mga vaccinator lalo na para sa mga lugar na may mababang vaccination rate tulad ng BARMM.