Umabot na sa mahigit isang bilyong piso ang naipamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ayuda para sa mga tsuper at operators sa ilalim ng fuel subsidy program.
Batay sa datus ng LTFRB, sumampa na sa P1,089,176,500 ang kabuuang halaga ng fuel subsidy na naibigay sa mga tsuper at operators sa buong bansa, simula inumpisahan ito ng pamahalaan.
Ito ay napakinabangan ng mga tsuper at operator ng kabuuang 166,597 units ng mga pampublikong sasakyan.
Ang Fuel Subsidy Program(FSP) ay isang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga tsuper at operators ng mga pampublikong sasakyan, sa layuning maibsan ang epekto ng labis na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa LTFRB, magpapatuloy pa rin ito, sa pagnanais na maibsan ang pasanin ng mga tsuper sa buong bansa.
Nagpapatuloy din umano ang koordinasyon ng naturang ahensiya sa state-owned Land bank of the Philippines na siyang nagdi-distibute ng mga subsidiya sa mga kwalipikadong benepisyaryo.