-- Advertisements --

Inanunsiyo ng military junta ng Myanmar ang pagpapalaya sa 9,652 preso kabilang ang 114 banyaga sa bisa ng amnestiya kasabay ng pagmarka ng independence day ng kanilang bansa.

Ayon sa military junta, nasa 114 foreign prisoners ang gagawaran ng pardon sa hangaring mapanatili ang relasyon ng Myanmar sa iba pang mga bansa at sa humanitarian reasons.

Ipapadeport umano ang mga banyagang papalayain ng junta.

Kabilang sa patuloy pa ring nasa kulungan ang Nobel laureate na si Aung San Suu Kyi na patuloy ding umaapela sa kaniyang sentensiya na aabot sa 27 taong pagkakakulong matapos itong ma-convict sa patung-patong na paglabag mula sa umano’y incitement at election fraud hanggang sa alegasyon ng korupsiyon laban sa kaniya, bagay na una ng pinabulaanan ng civilian leader.

Matatandaan na nahaharap ang Myanmar sa kaguluhan simula ng maagaw ng junta ang pamumuno sa kanilang gobyerno sa inilunsad na kudeta noong Pebrero 2021 na nagpatalsik kay Aung San Suu Kyi.

Nagbunsod ito ng mga protesta na ikinasawi ng libu-libong nagpoprotesta, 14,000 inaresto at 700,000 ang na-displace.