Apektado ng Bagyong Amang ang 95,337 katao o 25,762 pamilya sa Bicol Region, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa isang pahayag, sinabi ng NDRRMC na 12,632 indibidwal, o 2,703 pamilya ang nananatili sa 76 na evacuation centers.
May 26 katao naman o walong pamilya ang nakasilong sa ibang mga lugar.
Nagdulot din ang Bagyong Amang ng P12.3 million na pinsala sa agrikultura sa buong rehiyon.
Na-monitor ng ahensya ang 105 insidente ng pagbaha at pitong pagguho ng lupa na dulot ng ulan sa Bicol at Calabarzon Regions.
Dagdag dito, hindi bababa sa 25 kalsada ang hindi na madaanan dahil sa mga pagbaha.
Nanumbalik na rin sa kasalukuyan ang kuryente sa tatlong lungsod at munisipalidad na naunang nag-ulat ng mga pagkaantala ng serbisyo.
Ang 17 daungan na nagsuspinde ng mga operasyon ay muli na ring nanumbalik.
Kung matatandaan, nasa 1,624 na pasahero, 255 rolling cargo, siyam na barko, at siyam na motorbanca ang na-stranded dahil sa nasabing bagyo.
Una na rito, ayon sa NDRRMC, P293,298 halaga ng tulong ang naibigay sa mga taong naapektuhan na nakapipinsalang bagyo.