-- Advertisements --

Nakapagtala ng nasa mahigit 86,000 na mga pasahero sa mga pantalan sa buong Pilipinas ang naitalang ng Philippine Coast Guard ngayong araw.

Ito ay sa gitna ng inaasahang pagbuhos ng mga pasahero na magdadagsaan sa mga pantalan sa buong bansa na magsisiuwi sa kani-kanilang mga probinsya kasabay ng paggunita ngayong Semana Santa.

Batay sa Pinakahuling datos na inilabas ng PCG, mula alas-6:00am hanggang alas-12:00nn ngayong araw ay pumalo na sa 48,256 ang bilang ng mga outbound passengers ang kanilang naitala, habang nasa 38,396 naman na mga inbound passengers ang kanilang na-monitor sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa.

Bilang bahagi naman ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2024 ay aabot sa 3,244 ang bilang ng mga coast guard personnel ang ipinakalat sa 15 PCG Districts para naman magsagawa ng pag i-inspeksyon ng nasa 659 vessels, at 904 motorbancas sa mga pantalan.

Samantala, sa ngayon ay nakalagay na sa heightened alert ang lahat ng mga districts, stations, at substation ng PCG mula Marso 24, 2024 hanggang Marso 31, 2024 upang tiyakin na mapapamahalaan ng mabuti ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.

Habang inabisuhan naman ang publiko na makipag-ugnayan sa PCG sa pamamagitan ng kanilang mga online platforms at Coast Guard Public Affairs Service hotline number na 09275607729 para mga kaukulang inquiries, concerns, at clarification na may kaugnayan sa sea travel protocols at regulations ngayong Semana Santa.