-- Advertisements --

Sinalakay ng mga ahente ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kabuuang 747 na tindahan at bodega ng mga untaxed na sigarilyo, vape, at alak sa buong bansa.

Sinabi ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. na nakabinbin pa ang pagtukoy sa tax liabilities ng mga nasamsam na bagay dahil hindi pa natatapos ang proseso ng imbentaryo.

Binigyang-diin ni Lumagui na ang mga may-ari ng tax excisable products ay mahaharap sa tax evasion charges at ang kanilang mga produkto ay masisira kung mapapatunayan sa takbo ng imbestigasyon.

Sabay-sabay na isinagawa ang mga raid sa lahat ng rehiyon at nagsilbing follow-up operations noong Enero nang masamsam ng BIR ang malaking bulto ng mga untaxed na mga kalakal.

Ang pangangasiwa ng BIR ay higit pa sa mga partikular na produktong ito upang isama ang pagsubaybay sa produksyon, pag-aangkat, at pamamahagi ng mga sweetened beverages, kotse, minerals, at produktong petrolyo na napapailalim sa excise tax.

Nangako si Lumagui na ipagpapatuloy ang mga operasyong ito sa pagpapatupad hanggang sa sumunod ang lahat ng mga producer at distributor sa mga tuntunin at regulasyon ng kawanihan.