Aabot sa mahigit 7,000 na mga colorum na sasakyan ang nahuli ng Land Transportation Office sa buong bansa sa nakalipas na buwan ng Pebrero 2024.
Sa gitna ito ng mas pinaigting pa na “No registration, no travel” policy na ipinatupad ng naturang kagawaran.
Sa ulat ng lto, nasa kabuuang 7,252 na mga colorum na sasakyan ang kanilang nahuli mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas, habang nasa 1,653 naman sa mga ito ang impounded na.
Batay sa data na inilabas ng mga regional officers, mula sa naturang bilang ay nasa 243 ang pawang mga motorsiklo na namamasada nang walang kaukulang permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Sabi ni lto Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza, magpapatuloy ang ginagawang agresibong operasyon ng kanilang kagawaran laban sa mga colorum na sasakyan upang tiyakin ang roadworthiness ng mga sasakyan, gayundin ang kaligtasan ng mga road users.
Kasabay nito ay muli siyang nanawagan sa mga motorista na sumunod sa mga panuntunan ng pamahalaan at huwag nang hintayin pang mahuli ng mga tauhan ng ahensya dahil sa posibilidad na mas malaking babayaran at ma-impound din ang kanilang mga sasakyan. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)