Aabot na sa 667 katao ang inaresto sa ikatlong araw ng nagpapatuloy na malawakang riot sa France.
Sa kabisera ng Paris, laganap ang looting kung saan ni-ransack ng mga protester ang mga shops at sinunog ang mga sasakyan sa kabila ng mahigpit na presenisiya ng mga kapulisan kung saan nasa 40,000 pulis ang pinakalat sa buong bansa.
Nakatakdang i-convene naman ni French President Emmanuel Macron ang kaniyang Gabinete sa ikalawang crisis meeting, dalawang araw ang nakakalipas mula ng isagawa ang unang pagpupulong mula ng sumiklab ang malawakang riot sa kanilang bansa.
Ito ay kasunod na rin ng panawagan ng right wing at far-right politicians na magdeklara ng state of emergency.
Sa ilalim nito, mabibigyan ng special powers ang mga awtoridad kapag ang mga institution ng bansa ay nasa panganib. Pinapahintulutan din ang pamahalaan na magpatupad ng curfew at pagbabawal sa gatherings at public events.
Una rito, sumiklab ang karahasan noong Martes matapos barilin ng pulis ang 17 anyos na binatilyong Algerian at Moroccan descent na kinilalang si Nahel M nang magmaneho ito palayo sa traffic stop.
Humingi naman na ng tawad sa pamilya ng biktima ang pulis na bumaril sa binatilyong driver at kinasuhan na ng voluntary homicide.
Bunsod ng pagkamatay ng binatilyo nabuhay ang grievances ng mamayan kaugnay sa racial profiling sa France.