-- Advertisements --
police assistance desks 1

Nagtatag ang Philippine National Police (PNP) ng 5,784 police assistance desks para sa 4,769 public cemeteries, memorial parks, at columbarium sa buong bansa.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng paghahanda ng kapulisan ngayong Araw ng mga Patay.

Sa isang statement ay sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na inatasan na niya ang buong hanay ng kapulisan na mahigpit na ipatupad ang pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa bansa.

Bukod dito ay muli ring nagpaalala ang PNP chief sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na mga alituntunin sa mga sementeryo at memorial parks at huwag nang magdala pa ng mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng baril o anumang deadly weapon, ilegal na droga, nakakalasing na inumin, gambling paraphernalia, at malalakas na sound system.

Samantala, nagpakalat na rin naman ng mga rolling police mobile outpost at tactical motorcycle units ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila.

Kasabay ito ng kanilang pagdedeploy ng kapulisan sa buong rehiyon upang magbantay laban sa mga mapagsamantalang masasamang loob ngayong panahon ng Todos los Santos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni NCRPO spokesperson Pltcol. Dexter Versola na bago pa man magsimula ang Undas ay nagtalaga sila ng mga otoridad sa areas of convergence tulad ng transport hubs sa Metro Manila.

Kabilang na rin dito ang kanilang mga rolling mobile police outpost na may gulong na pwedeng hilahin ng mga pulis patungo sa mga lugar na kinakailangan habang inatasan na rin aniya ang kanilang mga tactical motorcycle units para sa regular na pag-iikot sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila bilang bahagi ng kanilang pagbabantay.

Kung maalala, una nang sinabi ng Philippine National Police na nakataas na sa full alert ang buong hanay ng kapulisan ngayong long weekend at araw ng mga patay.