Naitala ang kabuuang 511 rockfall incidents sa Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.
Sa latest bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nakapagtala rin ng tatlong volcanic earthquakes at 38 pyroclastic density current events sa bulkang Mayon mula alas-5 ng umaga ng Lunes hanggang alas-5 ng Martes.
Patuloy din ang napabagal na pag-agos ng lava mula sa crater ng bulkan na umabot ng hanggang 2.8 kilometers sa may Mi-isi gully.
Habang umagos naman ang lava ng hanggang 1.4 kilometers sa Bonga gully.
Mayroon din naitalang pagguho ng lava sa Basud Gully na umabot sa 4 kilometers mula sa bunganga ng bulkan.
Nagbuga din ang bulkang Mayon ng katamtamang 800 metrong taas ng plume na napadpad sa may timog-timogkanluran at timog kanlurang bahagi.
Nasa 721 tonelada naman ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan nitong nakalipas na araw.
Sa pinakahuling datos noong linggo mula sa DSWD, aabot sa karagdagang 50 pamilya na nadiskubreng nananatili pa rin sa loob ng 6 kilometer permanent danger zone ng bulkan ang inilikas na sa gitna ng patuloy na mga aktibidad nito.