-- Advertisements --

Pansamantalang grounded ang SF-260 fleet ng Philippine Air Force (PAF) matapos ang malagim na crash incident sa Tuba, Benguet na kumitil sa dalawang piloto.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco, grounded ang natitirang 16 na SF-260 aircraft habang gumugulong ang imbestigasyon.

Habang suspendido naman ang operasyon ng mga ito, sinabi ni Col. Basco na ang ibang aircraft models na ginagamit ng PAF para sa training activities ay patuloy na gagamitin.

Nagluluksa naman ang hukbo sa pagkawala ng mga nasawing piloto na sina 1st Lt. Ruth Angelique Pasos at kaniyang aviation student na si 2nd Lt. Cherky Embudo na sakay ng bumagsak na SF-260 sa kasagsagan ng navigation training flight nitong Miyerkules, Mayo 20.

Ayon kay Basco, bumagsak ang eroplano bandang alas-10:30 ng umaga sa may Sitio Cabuyao habang patungo sa Baguio City.

Ang naturang aircraft ay parte ng grupo ng 11 SF-260 trainer aircraft na umalis mula sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas para sa training mission, subalit tanging sampung eroplano lamang ang nakarating sa kanilang destinasyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy ang dahilan ng pagbagsak ng naturang aircraft.