-- Advertisements --

Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na madaragdagan pa ang pondo para sa Socio-Civic Projects Fund (SCPF) sa 2027 kung magiging matagumpay ang pagpapatupad ng programa.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag nitong Biyernes sa isinagawang turnover ng SCPF Financial Assistance sa Tuguegarao City.

Ayon kay Pang. Marcos, kapag naging maayos ang pagpapatakbo ng programa at mas maraming lugar ang makinabang, tiyak na lalaki pa ang ilalaan na pondo rito sa susunod na taon.

Sinabi rin ng Pangulo na patuloy na handang tumulong at makinig ang pamahalaan sa mga hinaing at pangangailangan ng mamamayan.

Kasabay nito, hinikayat niya ang mga presidential scholars sa Cagayan na pagbutihin ang kanilang pag-aaral upang makatulong hindi lamang sa kanilang pamilya kundi maging sa kanilang komunidad at sa bansa.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang maihanda ang kabataang Pilipino para sa kinabukasan at sa paglilingkod sa bayan.

Sa ginanap na seremonya, tumanggap ng tig-P200,000 ang bawat isa sa 820 barangay sa Cagayan sa pamamagitan ng provincial governor, alkalde ng Tuguegarao City, at mga opisyal ng Association of Barangay Captains (ABC).

Batay sa datos, as of May 14, 2026, nakapagpalabas na ang SCPF-Bawat Barangay Makikinabang Program ng tig-P200,000 ayuda para sa 7,933 barangay sa buong bansa na umaabot sa kabuuang P1.59 bilyon.

Sa kabuuang halaga, P100,000 ang inilaan para sa mga proyektong prayoridad ng barangay tulad ng pampublikong serbisyo, kagamitang pang-opisina, street lighting, at disaster risk reduction and management.

Samantala, ang natitirang P100,000 ay nakalaan para sa limang Bagong Pilipinas Barangay Scholars sa bawat barangay, kung saan bawat iskolar ay makatatanggap ng P20,000.