BUTUAN CITY – Umabot na sa 502 mga indibidwal ang stranded ngayon sa mga daungan ng North Eastern Mindanao area, na kinabibilangan ng Surigao Base Port, Lipata Port, Feeder Port, Port of Placer na parehong sakop sa lalawigan ng Surigao del Norte at Nasipit Port sa lalawigan naman ng Agusan del Norte.
Base sa datus mula sa Philippine Coast Guard (PCG), hindi pa kasama dito ang 168 mga rolling cargoes na na-stranded sa nasabing mga daungan habang 57 naman ang mga barko at 6 ang mga motorbancas naman ang nagpapasilong.
Napag-alamang kahapon ay muling ipinatupad ang No Sail Policy ng Coastguard Station Surigao Del Norte sa lahat ng mga sasakyang pandagat, base sa inilabas na PCG memorandum circular number 02-13 kungsaan pinahihintulutan naman ang pagpapasilong ng mga barko basta’y may written request lamang.
Samantala nag-isyu na ng General Flood Advisory No.12 para sa Caraga Region kungsaan kailangang bantayan ang mga ilog.
Inatasan na rin ng lokal na pamahalaan ng Algeria, Surigao del Norte ang lahat ng mga barangay kapitan at mga residente na mag-monitor palagi sa weather updates, i-activate ang Emergency Operation Center, i-monitor ang mga ilog, ihanda ang mga evacuation centers at magsasagawa ng pre-emptive evacuation kung kakailanganin.