-- Advertisements --

Inihahanda na ngayong Philippine Ports Authority ang lahat ng mga pantalan sa bansa para sa darating na Yuletide season.

Ito ay sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng maraming mga pasahero sa mga pantalan na magsisiuwe sa kani-kanilang mga lalawigan para magdiwang ng Holiday kasama ang kanilang mga kamag-anak.

Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, mula sa darating na Disyembre 16, 2023 ay inaasahang magsisimula ang pagdagsa ng maraming mga biyahero sa mga pantalan na posible pang umabot ng hanggang 5.1-million na mga indibidwal.

Aniya, ang naturang pagdagsa ng mga pasahero ay inaasahang magtatagal pa hanggang Enero 15, 2023 panahon ng balik eskwela at trabaho.

Sabi ni Santiago, ang anticipated data na ito ay mas mataas kumpara sa datos na 4.7-million na una nang datos na naitala ng mga kinauukulan sa nakalipas na taong 2022.

Dahil dito ay mas pinaigting pa aniya nila ngayon ang pagpapatupad ng security measures sa lahat ng mga pantalan sa bansa para tiyakin ang mas mabilis, at komportableng paglalakbay para sa ating mga kababayan.

Kaugnay nito ay inatasan na rin ng opisyal ang Port Police Department nito para magsagawa ng regular na pagpapatrol, at pag i-inspeksyon sa lahat ng mga port facilities, partikular na sa mga entry points para sa mga pasahero at mga kargamento.

Matatandaan na una nang itinaas ng PPA sa red alert status ang lahat ng mga port personnel nito kasunod ng madugong terror bombing sa Mindanao State University sa Marawi City.

Kasabay nito ay pinapayuhan din ng opisyal ang lahat ng mga pasahero na magsuot ng facemask bilang pag-iingat na rin laban sa banta ng pagtaas ng mga kaso ng “walking pneumonia” sa ating bansa.