Handang-handa na ang buong hanay ng Philippine National Police para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Kaugnay nito ay naka-standby na rin ang nasa mahigit 5,000 kapulisan na ipinakalat ng PNP para humalili sa mga poll workers para sa naturang halalan kung kinakailangan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, nasa 5,558 na mga pulis ang isinailalim nito sa pagsasanay para humalili para magsilbi bilang special board of electoral inspector sa mga polling precinct sakaling may umatras pang ilang guro bilang electoral board member para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Kung maaalala, kamakailan lang ay mayroong ilang guro sa Cotabato City at Abra ang nagsi-atrasan sa pagsisilbi bilang mga poll workers para sa naturang halalan nang dahil sa takot na dulot ng mga karahasan.
Matatandaan ding isang linggo bago ang naturang halalan ay mayroon ding mga naitatalang insidente ng karahasan at pamamaslang na kinasasangkutan ng ilang kandidato para sa BSKE2023 ang naitala ng Pambansang Pulisya ngunit gayunpaman ay nilinaw ng PNP na wala itong namomonitor na anumang banta para sa nasabing eleksyon.