-- Advertisements --

Aabot mahigit 400 mga Pilipino at dayuhan ang nasagip ng mga otoridad mula sa isang sinalaky na POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Sa ulat, ang naturang bilang ng mga nasagip na indibidwal ay kinabibilangan ng 234 Filipinos, 107 Chinese, 6 Malaysians, 58 Vietnamese, 1 Taiwanese at 2 Rwandans na pawang pinaniniwalaang mga POGO workers.

Ang pagkakasagip sa mga ito ay bunga ng ikinasang operasyon ng magkakasanib puwersang PNP CRIMINAL INVESTIGATION and DETECTION GROUP, PNP INTEGRITY MONITORING AND ENFORCEMENT GROUP, PNP INTELLIGENCE GROUP katuwang ang NORTHERN LUZON COMMAND ng AFP at Presidential Anti Organized Crime Commission laban sa isang POGO Hub sa naturang lugar.

Ito ay matapos na maglabas ng warrant of arrest si Bulacan Executive Judge Hermenegildo Dumlao laban sa mga opisyal at kawani ng Zun Yuan Technology Inc. dahil umano sa trafficking in persons at serious illegal detention.

Nag-ugat ang operasyon matapos maghain ng reklamo ang isang Vietnamese national na nakatakas sa nasabing pasilidad nitong February 28, habang nagpasaklolo rin ang isang Malaysian national dahil kinukulong umano sila sa compound na kanilang pinagtatrabahuhan.

Sa pagsalakay ng mga otoridad sa naturang pasilidad ay may nakuha ang mga ito na scripts na tulad nang ginamit sa iba pang POGO hubs na sangkot sa love scam.

Samantala, sa ngayon ay kasalukuyan nang pagsusuri ng PNP-CIDG at Bureau of Immigration ang mga nasagip na dayuhan ng mga operatiba para sa roper immigration documents ng mga ito.