-- Advertisements --
WHO

Iniulat ng World Health Organization na lagpas 400 katao na ang namatay sa nagpapatuloy na labanan sa Sudan.

Ayon kay WHO Spokesperson Margaret Harris, kabuuang 413 na katao ang namatay, habang 3,551 ang nasugatan kung saan marami sa kanila ay nasa malubhang kalagayan.

kabilang umano sa mga namatay ay siyam na mga bata. Limampung mga bata rin ang sinasabing kabilang sa mga sugatan na kasalukuyang nasa mga pagamutan.

Ayon pa rin sa WHO, nagpapatuloy pa rin ang mga airstrike, at ground strike kahit pa sa mga matataong lugar, habang maraming sibilyan ay nagtatago sa mga lugar na walang mga kuryente, tubig, at pagkain.

Nangangamba rin ang WHO na lalo pang madadagdagan ang bilang ng mga casualties dahil sa posibilidad na lalawak pa ang magiging saklaw ng kaguluhan.

Kaninang umaga nang iniulat ng US Government na mayroon na ring isang US citizen na namatay dahil sa nasabing gulo. Sa panig ng Pilipinas, isang OFW na rin ang napaulat na tinamaan ng ligaw na bala.

Matatandaang una nang umapela ng ceasefire ang UN at iba pang mga world leaders sa pagitan ng Rapid Support Forces at Sudanese Forces ngunit dalawang beses na itong hindi natuloy, kahit pa nangako dati ang dalawang pwersa.