-- Advertisements --
download (5)

Aabot sa 300,000 na pamilya ang maaaring mag-graduate mula sa pagiging 4Ps members bago matapos ang kasalukuyang taon.

Ayon kay DSWD assistant secretary at spokesman Romel Lopez, wala pang pinal na araw kung kailan sila magsisipagtapos ngunit inaasahang bago ang pagpasok ng 2024 ay matatanggal na ang mga ito sa listahan ng ahensiya.

Bagaman matatanggal na sila sa kanilang listahan, tiniyak naman ng opisyal na magpapatuloy pa rin ang ahensiya na tutulong sa kanila sa ibat ibang paraan.

Kinabibilangan ito ng reintegration program, endorsement sa mga local government units (LGU) para sa posibleng assistance, at endorsement sa DSWD Sustainable Livelihood Program, isang hiwalay na programa ng ahensiya na nagbibigay suporta sa mga pamilya sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga negosyo, livelihood, atbp.

Ayon kay Asec Lopez, marami sa mga matatanggal ay nakitaan na rin ng pag-angat ng kanilang buhay habang ang iba ay may mga anak na kolehiyo na.

Ang mga naturang estudyante rin aniya ay maaaring i-endorso ng DSWD sa Commission on Higher Education (CHED) para sa posibleng pagbibigay ng scholarship.