-- Advertisements --

DAGUPAN, CITY – Karapatan ng isang ama na magkaroon ng pagkakataon para mabisita ang kanyang anak mula sa kanyang dating kinakasama.

Ayon kay Atty. Francis Abril, isang abugado sa lalawigan ng Pangasinan, bagaman hiwalay na sa kanyang kapareha, kung ang isang lalake ay kinikilala bilang ama sa birth certificate ng bata, ay nararapat na mabigyan ng oras para madalaw ang kanyang anak.

Aniya, ito ay nakapaloob sa family code kung saan ay maari naman na mapag-usapan ng kanyang dating kasintahan kung kailan at anong oras nito pwedeng makasama ang kanilang anak.

Ipinapaliwanag din niya na batay pa rin sa nasabing batas, ang ina ang may kustudiya sa bata lalo na kung ito ay menor de edad pa.

Maari lamang na matanggal ng kustudiya ang ina kung ito ay mapatunayan sa korte na ito ay wala nang kakayanan na mapalaki ng maayos ang kanyang mga supling lalo na kung ito ay mapatunayan na gumagawa ng immoral na bagay o nalulong sa droga.

Sa kabilang banda, kung mayroon mang bagong boyfriend o kinakasama ang isang ina, hindi umano ito rason sa pagsasawalang bisa ng ibinigay na kustudiya sa kanya ng batas.