Ibinida ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pumalo na sa mahigit 26,000 na mga barangay sa buong Pilipinas ang naideklara nang “cleared” kontra sa ilegal na droga.
Sa gitna pa rin ito ng mas pinaigting pa na kampanya ng pamahalaan laban sa nasabing ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., sa ngayon ay umabot na sa 26,544 ang kabuuang bilang ng mga idineklarang “drug-cleared” barangay mula sa 42,046 na mga barangay sa buong Pilipinas.
Bukod dito ay nakapagtala rin ang ahensya ng nasa 6,525 drug unaffected o drug free na mga barangay, habang nananatiling nasa 8,977 naman na mga lugar ang hindi pa “cleared” hinggil sa nasabing isyu.
Samantala, kaugnay nito ay patuloy naman ang naging panawagan ni Abalos sa publiko na makiisa sa anti-drugs program ng nasabing kagawaran.
Malaking bagay raw kasi ang gampanin ng taumbayan sa nasabing programa dahil hindi aniya biro ang war on drugs campaign ng pamahalaan dahilan kung bakit talagang patuloy ang kanilang isinasagawang pagpapalawig dito hanggang sa bawat barangay sa bansa sa tulong nang pinagsama-samang puwersa ng mga law enforcement agency sa Pilipinas.