Ipapakalat ang mahigit 21,000 security forces sa paggaganapan ng kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa Hulyo 24 sa Batasang Pambansa.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nasa kabuuang 21,853 na ang ipapakalat na mga pulis mula sa inisyal na planong 15,174 personnel.
Nasa 16,964 ang magmumula sa NCRPO, karagdagang 1,905 mula sa PNP support units at 2,974 mula sa coordinating agencies at iba pang peacekeeping partners.
Tinalakay ang dewployment plan ng mga tauhan ng PNP sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig na pinamunuan ni NCRPO Regional Director Police Major General Felipe Natividad.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines, LGUs, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, force multipliers, volunteer groups, at iba pang concerned agencies.
Nauna na ring inihayag ng PNP, na muling magpapatupad ng gun ban sa Metro Manila simula sa Hulyo 22 hanggang Hulyo 27 para sa seguridad sa SONA ng pangulo.
Magpapatupad din ang MMDA ng road rerouting para makadaan sa ilang portions sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ang mga essential vehicles patungo at mula sa Batasang Pambansa na venue ng SONA.