Aabo na sa inisyal na 56,634 pamilya o higit 236,000 indibidwal na ang naiulat na naapektuhan ng nangyaring Magnitude 7.4 sa bahagi ng Mindanao partikular na sa Hinatuan, Surigao del Sur nitong Sabado ng gabi.
Ang datos na ito ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Operations Monitoring and Information Center.
Ayon sa ahensya, karamihan sa mga naapektuhan ng naturang pagyanig ay nagmula sa 156 na barangay sa CARAGA Region.
Samantala, inihahanda na ng mga kinauukulan ang paglilikas sa mga residente sa mga evacuation centers.
Malaki kasi ang bilang ng mga kabahayan na nasira ng lindol.
Sinabi pa ng ahensya , aabot sa 84 kabahayan ang naiulat na totally damage habang 439 ang partially damaged dahil sa lindol.
Sa ngayon ay tiniyak ng DSWD na magbibigay sila ng tulong sa mga apektadong pamilya.
₱2.8-bilyong halaga naman ng stockpile at standby funds ang nakahanda para sa mga apektadong rehiyon.