-- Advertisements --

Umakyat na sa 202,213 katao o katumbas ng 50,676 pamilya ang naapektuhan ng baha at landslide na dala ng habagat, mula noong nakalipas na linggo.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga apektado ng masamang lagay ng panahon ay mula sa National Capital Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas at Cordillera Administrative Region.

Sinabi ni NDRRMC spokesman Mark Timbal na nasa 480 barangays ang tinamaan ng mga habagat na pinaigting ng bagyong Fabian.

Umaabot naman sa 244 barangays ang binaha, apat ang aksidente sa dagat, tatlong insidente ng storm surge, landslide, rockslide, sinkhole at mudflow sa walong rehiyon.

Tinatayang mahigit sa P100 million ang pinsala sa agrikultura, P2.4 million sa imprastraktura habang 143 mga bahay ang nasira.

Posible namang madagdagan pa ito dahil hanggang ngayon ay may mga lugar pa ring nakakaranas ng pagbuhos ng ulan.