DAGUPAN CITY — “Maraming nangyayaring hindi maganda.”
Ito ang naging sentimyento ni Bombo International News Correspondent Hannah Galvez hinggil sa nararanasan nilang heavy snow fall sa Japan na nagiwan sa mahigit 130 na indibidwal sa Tokyo, 50 sa Saitama Prefecture, at 30 naman sa Kanagawa-Ken na sugatan.
Maliban sa mga ito ay nakapagtala na rin ng mahigit 1,000 car accidents ang bansa dahil sa madulas na kakalsadahan habang ang train lines naman ay nahihinto sa riles sa kalagitnaan ng kanilang byahe dahil sa kapal ng nyebe na nakakasagabal sa serbisyo ng mga ito.
Aniya na may mga pagkakataon na umaabot hanggang 10 oras na nai-stranded ang mga tren sa riles kaya naman doon na natutulog ang mga pasahero. Gayon din ang sitwasyon aniya sa mga paliparan partikular na sa Haneda Airport kung saan ay kinansela ang lahat ng flight schedule, at maging ang iba pang transport services.
Pagdidiin pa ni Galvez na hindi pangkaraniwan ang nangyayari ngayon at sa loob ng mahabang panahon na paninirahan nito sa Japan ay bihira lamang na mangyari ang ganito kabigat na snow fall sa bansa.
Saad pa nito na nakakaalarma na rin ang pangyayari dahil maliban sa mahigipit na pagpapaalala ng weather state bureau ng Japan ay nakataas na sa Severe Weather Conditions ang mga natatanggap nilang alerto sa kani-kanilang mag telepono.