-- Advertisements --
image 457

Na-stranded ang mahigit 200 Filipino Hajj pilgrims sa Muzdalifah malapit sa Mecca, SAudi Arabia matapos ang pagsasagawa ng isang tradisyunal na seremoniya noong Hunyo 28 ayon sa Philippine embassy sa Saudi Arabia.

Nakatanggap naman na ng tulong ang mga ito at ang nasa 10 pilgrims na dinala sa ospital para sa medical care ay na-discharge na.

Ayon kay Chargé d’Affaires Rommel Romato, walang namatay at walang napaulat na matinding nangailangan ng medical attention sa mga nastranded na mga Pilipino.

Ayon sa National Commission on Muslim Filipinos, na-stranded ang mga Filipino pilgrims dahil na rin sa mabigat na daloy ng trapiko papunta sa holy site.

Base sa tala ng embahada, nasa mahigit 7,200 Pilipino ang nakibahagi sa Hajj sa Saudi Arabia ngayong taon.

Ang Hajj ay isang taunang sagradong pilgrimage ng mga Muslim sa banal na mosque na tinatawag na Masjid al-Haram sa Mecca.