-- Advertisements --

Nasa mahigit 20 katao ang nasugatan at isa ang kumpirmadong nasawi sa magkahiwalay na mass shooting sa Chicago at sa isang Halloween house party sa Kansas, USA.

Ayon kay Chicago police Supt. David Brown, nasa 14 na katao ang critically injured kabilang ang isang tatlong taong gulang na bata at dalawang teenager sa drive-by shooting na nangyari sa intersection ng South California Avenue at West Polk Street.

Nagsasagawa umano ng vigil ang mga biktima nang bigla silang pagbabarilin ng dalawang gunman lulan ng isang sasakyan.

Sa Kansas City naman nasa walong katao ang nabaril habang isa ang namatay sa mass shooting sa Halloween house party na dinaluhan ng high schoolers. Nangyari ang insidente nang biglang pumasok ang mga hindi imbitadong indibidwal sa nasabing party at nagpaputok ng baril.

Sa ngayon, hindi pa nadakip ang mga suspek sa likod ng insidente ng mass shooting sa dalawang estado.