Mahigit 19,000 sari-sari store owners at micro rice retailers na sa buong bansa ang nakatanggap na ng Sustainable Livelihood Program (SLP)-cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang DSWD ay namahagi ng kabuuang P286.26 milyon na SLP cash aid sa may 19,084 na benepisyaryo, na nakararanas ng pagkalugi sa kanilang kapital sa negosyo dahil sa taas ng presyo sa well-milled at regular-milled rice sa buong bansa.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications at DSWD Spokesperson Romel Lopez na kapwa ang mga micro rice retailer at may-ari ng sari-sari store ay binigyan ng tig-P15,000 bilang cash aid sa ilalim ng SLP program ng kagawaran.
Aniya, 78% nang nakumpleto ng DSWD ang pamamahagi ng cash aid sa DTI-validated target beneficiaries.
Sinabi ng tagapagsalita ng DSWD na pinabibilis ng Kagawaran ang disbursement para makumpleto ang pamamahagi ng SLP-cash aid sa mahigit 5,400 natitirang benepisyaryo sa buong bansa.
Ang patuloy na pamamahagi ng cash aid ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang maliliit na rice traders at retailers na direktang apektado ng price caps sa regular-milled at well-milled rice dahil sa Executive Order No. 39.
Ang DSWD, Department of Trade and Industry (DTI), at local government units (LGUs) ay nagtutulungan upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga kuwalipikadong small and micro retailer sa industriya ng rice-trading.