Nasa kabuuang 189,815 indibidwal o 49,345 pamilya mula sa mahigit 300 mga barangay sa 54 na bayan sa Cordillera Region ang apektado ngayon ng pananalasa ng nagdaang bagyong Egay
Ayon sa Department of Social Welfare and Development-Cordillera, nitong umaga ng Biyernes, ang Abra ang may pinakamaraming bilang ng mga apektadong residente na umaabot sa mahigit 180,000 o mahigit 46,000 pamilya mula sa 85 mga barangay sa 26 na bayan.
Ang Baguio city naman na matinding hinagupit ng bagyong egay ay nakapagtala ng 18 insidente ng landslides na kumitil ng isang indibidwal habang tatlong katao naman ang napaulat na nasugatan. Nasa mahigit 1,900 katao naman o 489 pamilya mula sa 52 barangay ang matinding naapektuhan.
Sa may Benguet naman, nasa 1,195 katao o 344 pamilya mula sa 75 barangay sa 13 bayan ang apektado, sa Kalinga nasa 925 katao o 217 pamilya sa 29 barangays mula sa 5 bayan ang apektado.
Sa may mountain province naman nasa 1,130 indiidwal o 355 pamilya mula sa 5 bayan at mayroong 93 indibdiwal o 22 pamilya naman mula sa apat na bayan mula sa Ifugao ang apektado.
Lubos namang napinsala ang nasa 64 na kabahayan at nasa 1,445 ang bahagyang pasira at nasa 1,795 indibidwal o 517 pamilya ang inilikas patungo sa evacuation centers sa Abra, Kalinga at Baguio city.
Nagpamahagi na rin ng mga kinakailangang family food packs, hygiene kits, family kits, sleeping kits, maiinom na tubig at iba pa ang DSWD para sa mga inilikas na residente na nasa evacuation centers.