STAR CEBU – Mahigit 1,600 barangay sa Central Visayas, drug-cleared na; Drug affectation, 28.03% na lamang— PDEA-7
Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency Region VII na patuloy ang pagbuti ng kampanya laban sa ilegal na droga sa Central Visayas, kung saan umabot na sa 1,628 barangay ang idineklarang drug-cleared habang 648 naman ang nananatiling drug-affected.
Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay Investigation Agent III Ivy Claire Oledan, Team Leader ng Regional Barangay Drug Clearing Program Team, base sa datos noong Abril 8, 2026, nasa 28.03% na lamang ang drug affectation sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Oledan na isinasagawa na ngayon ang tinatawag na “retention process” upang mapanatili ang drug-cleared status ng mga barangay. Kabilang dito ang onsite validation kung saan personal na binibisita ng PDEA ang mga barangay upang suriin ang kanilang demand reduction programs at sustainability efforts.
Binigyang-diin niya na hindi dapat nakatuon lamang sa mga sumailalim sa Community-Based Drug Rehabilitation Program ang mga inisyatiba. Aniya, mahalaga ring isama ang iba pang sektor tulad ng kabataan, mga bata, at mga benepisyaryo ng 4Ps sa mga programang pangkomunidad.
Gayunman, aminado si Oledan na isa sa mga hamon ang kakulangan sa pondo ng mga barangay, dahilan kung bakit kadalasang nakapokus lamang ang kanilang mga programa sa mga high-risk sector gaya ng kabataan.
Dagdag pa niya, isa ring suliranin ang limitadong kakayahan sa intelligence gathering ng mga barangay. May mga pagkakataon umano na may mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga na natutukoy ng pulisya ngunit hindi agad nalalaman ng barangay, na nagiging dahilan upang hindi mapanatili ang kanilang drug-cleared status dahil sa kakulangan ng agarang intervention.
Sa kabila nito, patuloy na hinihikayat ng PDEA-7 ang mga barangay na palawakin ang kanilang kampanya laban sa droga at paigtingin ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang tuluyang mapababa ang drug affectation sa rehiyon.
















