-- Advertisements --

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw na umaabot sa mahigit 2000 pamilya o binubuo ng 13,920 indibidwal ang apektado ngayon ng nangyaring phreatic eruption ng Bulkang Bulusan.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, ang mga apektadong residente ay mula sa munisipalidad ng Juban, Irosin, at Casiguran na matinding apektado ng ashfall.

Sa kasalukuyan mayroong 58 pamilya o 216 indibidwal ang inilikas sa evacuation center sa Juban dahil sa pagkalat ng ashfall.

Sa ngayon, mas kalmado na ang bulkan dahil walang major eruption activities ang naitala sublait patuloy na pinapaalalahanan ang mga residente na maging maingat sa pagpasok 2-kilometer radius mula sa permanent danger zone sa palibot ng bulkan.

Umaabot naman sa mahigit P20 million na ang naitalang pinsala sa agrikultura matapos ang pagsabog ng bulkang Bulusan kung saan nasa kabuuang 3,698.76 ektarya ng high value crops ang nasira.

Wala namang naitalang pinsala pagdating sa transportation, communication at sa power at water systems.

Sa kabila ng gumagandang sitwasyon ng bulkan, patuloy pa rin ang pag-minotir ng NDRRMC sa sitwasyon sakaling magkaroon ng panibagong pagsabog sa bulkan sa mga susunod na araw