Umabot na sa 1,236 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na naisailalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa profiling sa ilalim ng ‘Oplan Pag-Abot’
Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, sa nakalipas na anim na buwan ang nagawa nilang makuha ang profile ng mahigit 1,200 na indibidwal na nakatira sa mga kalsada.
Ayon pa kay Usec Punay, mayroon nang 626 na katao ang tuluyan nilang naialis mula sa mga kalsada at nabigyan ng mas maayos na matutuluyan.
Ang mga ito ay nakabalik na aniya sa kani-kanilang mga probinsiya sa ilalim ng Balik Probinsya Program ng pamahalaan.
Sila ay binigyan ng tig-P50,000 na cash bilang puhunan sa anumang negosyo na nais nilang simulan.
Ang mga ito rin ay inendorso sa mga lokal na pamahalaan kung saan sila napauwi upang sumailalim sa training sa pagtatrabaho, pagsisimula sa negosyo, at upang i-monitor ang kanilang progreso.
Maliban sa tulong pinansyal, nabigyan din sila ng food assistance at medical assistance na maaari nilang magamit habang nasa mga probinsya.