Nakatakdang i-deploy ng Philippine Navy sa Northern Luzon bilang mga force multipliers ang nasa mahigit 100 navy reservists.
Ito ay pagkatapos na makumpleto ng nasa kabuuang 119 navy reservists ang kanilang pagsasailalim sa basic militay training na kinabibilangan ng rifle and combat training.
Ayon kay AFP Northern Luzon Command public information chief, LTCol. Rodrigo Lutao, ito ay alinsunod sa kautusan ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. hinggil sa pagpapaigting pa sa defense posture ng kasundaluhan sa Norte.
Aniya, ang pagsasailalim sa training sa naturang mga reservist ay bahagi ng compliance ng Philippine Navy sa naturang kautusan.
Kung maaalala, una rito ay inilunsad ng DND at AFP ang kanilang Comprehensive Archipelagic Defense Concept bilang bahagi ng mas pagpapaigting pa sa kapabilidad ng militar na protektahan ang buong teritoryo at exclusive economic zone ng Pilipinas, kasabay ng pagtiyak na malayang mapakikinabangan ng mga Pilipino ang masaganang likas na yaman ng ating bansa.
Matatandaan din na ang pahayag na ito ni Sec. Teodoro ay kasunod ng mga ulat na inatasan ni Chinese President Xi Jinping ang Chinese military na maghanda hinggil sa posibilidad ng pag-usbong ng maritime conflict anumang oras.